'Dinakip' ng mga vendor sa pamilihan sa Sta. Maria, Ilocos Sur ang isang 19-anyos na babae na nagbayad umano ng pekeng pera. Ang suspek, umamin na mayroon pa siyang ibang kasama.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Ann Lopez, residente ng Calumpit, Bulacan.
Ayon sa pulisya, bumili ng karne ng baboy si Lopez sa halagang P100 at nagbayad ng P1,000, at sinuklian ng P900.
"Actually, napansin na lang niya (na peke ang pera) nong yung kasamahan niya na isa na bumili doon sa kabilang puwesto ng bagnet worth P150 pagkatapos P1,000 na naman yung ibabayad," sabi ni Police Leiutenant Joel Dasargo, hepe ng Sta Maria Police Station.
Dito na nagduda ang tindera na peke ang pera ng suspek at hindi na pinakawalan ng mga vendor hanggang sa dumating ang tinawag na mga pulis.
Ayon kay Dasargo, umamin kinalaunan si Lopez na may mga kasama pa siya at mayroon silang service van.
Itinanggi ni Lopez na sa kaniya ang anim na piraso ng P1000 bills na nakuha sa kaniya.
"Hindi ko pera yung ibinili ko. Kasi sabi ng nag-utos sa akin, bumili kami ng baboy kasi isinama kami sa swimming. Bumili kami tapos maya-maya sinasabi sa akin peke raw yung pera," katwiran ng suspek
Idinagdag ni Lopez na hindi niya lubos na kilala ang kaniyang mga kasamahan na isinasama lang siya sa swimming.
Sinampahan na ng kaukulang kaso ang babae habang hinahanap ang iba pa niyang kasamahan.--FRJ, GMA Integrated News