Nahuli umano sa akto ng isang ama ang kaniyang katrabaho na ginagahasa sa loob ng kanilang bahay ang apat na taong gulang niyang anak na babae sa Tuao, Cagayan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, galit at sama ng loob ang nararamdaman ng ina sa 37-anyos na suspek dahil sa ginawa sa kaniyang anak.

Naglalaro umano sa bahay ang biktima at kasama ang mas nakababatang kapatid nang pumasok ang suspek at hinalay ang bata.

"Hindi ko matanggap ang ginawa niya sa anak ko. Ang gusto kong mangyari sa kaniya pagbayaran niya, makukulong siya habambuhay," anang ginang.

Ayon sa pulisya, ang mismong ama ng biktima ang nakahuli sa akto sa suspek na nakapatong sa bata.

Kumuha umano ng itak ang ama ng bata pero nakatakas ang suspek. Pero nahuli rin ang suspek kinalaunan.

Humihingi naman ng tawag ang suspek na aminado sa kaniyang ginawa sa bata.

Paliwanag niya, hindi na niya alam ang kaniyang ginagawa sa labis na kalasingan.

Inihahanda na ang kasong isasampa sa suspek habang isasailalim sa counseling ang biktima--FRJ, GMA Integrated News