Tatlong katao, kabilang ang isang mag-ama, ang nasawi nang tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa farm na nalubog sa baha sa Cagayan. Ang ilang residenteng apektado naman ng baha, sa gilid ng kalsada pansamantalang naninirahan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang mag-amang nasawi na sina Felipe Pulido, 55-anyos, at anak niyang si Jonathan, 32, residente ng Barangay Agani sa Alcala, Cagayan.
Kasama rin nila sa bangka na nasawi si Renato Tabalero, 55.
Hindi matanggap ni Delia, ang biglaang pagpanaw ng dalawang mahal niya sa buhay na kaniyang mister na si Felipe, at anak na si Jonathan.
Ang asawa naman ni Jonathan na si Rhea, hindi makayanang tingnan ang kaniyang mister dahil hindi niya matanggap na wala na ito.
Ayon kay Police Major George Maribbay, hepe ng Alcala Police Station, nag-inuman dakong 3:00 pm ang tatlo bago sumakay ng bangka papunta sa isang farm na nalubog sa tubig.
Pero pagsapit ng 4:30 pm, bumuhos muli ang malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin na posible umanong nagpataob sa bangka.
Sa buong Cagayan, nasa lima katao na ang nasawi dahil sa Bagyong Paeng.
Samantala, nasa 90 pamilya naman sa Barangay Bacolod ang pansamantalang naninirahan sa gilid ng kalsada dahil nananatiling lubog sa tubig ang kanilang mga tirahan.
Naglagay ng tent sa gilid ng kalsada ang mga residente na nagsisilbing nilang pansamantalang silungan kasama ang mga bata.--FRJ, GMA Integrated News