Patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang isang 13-anyos na binatilyo makaraang tumilapon siya mula sa sinasakyang ride sa isang peryahan sa Urdaneta City, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon," sinabi ni Police Major Ria Tacderan, PIO-Pangasinan PPO, na nangyari ang insidente kamakailan sa Barangay Nancayasan.

Nahuli-cam pa ang insidente nang malaglag mula sa umiikot na swing ang biktima at tumama sa mga barikada.

Sinasabing nahilo ang biktima at sira din umano ang lock ng harness sa upuan.

"Sabi ng pinsan niya, nakita raw niya na nahilo yung anak ko, nawalan ng malay. Tuloy-tuloy daw yung pag-ikot ng (swing). Sumisigaw yung pinsan ng anak ko na itigil kasi may nahimatay, hindi nakikinig yung operator," ayon sa ina ng biktima.

Iginiit naman ng operator ng peryahan na kompleto ng harness at lock sa upuan ng rides.

Pinapaalalahanan din umano ng nagbabantay ang mga sasakay.

Nangako rin ang may-ari ng perahan na tutulong sa kaanak ng biktima.

Kamakailan lang, tatlo katao, kabilang ang isang batang dalawang taong gulang, ang nasaktan nang madiskaril naman ang ride na kanilang sinasakyan sa isang peryahan sa Zambales.

Payo naman ni Tacderan sa publiko, laging unahin ang seguridad o kaligtasan kapag sasakay sa rides. Suriin umanong mabuti kung mayroon itong kaukulang protective gear at iba pang safety equipment para makaiwas sa sakuna.--FRJ, GMA Integrated News