Habang naglalaro kasama ang mga pinsan sa labas ng kanilang bahay sa Davao del Sur, isang bata na isang-taong-gulang ang bigla na lang nabagsakan ng bunga ng niyog sa ulo.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabing nangyari ang insidente sa Sitio Bagsak sa Barangay Kibuaya sa bayan ng Hagonoy noong Oktubre 1.
Emosyonal si Ching Lee Mendoza, nang ikuwento ang sinapit ng anak na si Baby Audrey, na nawalan ng malay matapos na mabagsakan ng niyog sa kaliwang bahagi ng ulo.
Makikita na nagtamo ng mga pasa sa mukha ang sanggol.
"Sana ako na lang...kasi napakaliit pa niya para maranasan yung sakit," saad ni Mendoza.
Nang hindi na gumagalaw ang bata at namutla, sinabi ni Mendoza na isinakay nila sa motor ang anak at dinala sa ospital na malayo pa naman sa kanilang lugar.
Isang linggo matapos ang insidente, himalang nakaligtas si Baby Audrey.
Inihalintulad ng duktor na tumingin kay Baby Audrey, na ang nangyari sa kaniya ay tulad ng isang driver na tumilapon sa aksidente, at nagkaroon ng pasa sa utak.
Hindi na inoperahan ang bata at idinaan na lang sa gamutan. Kung hindi umano naagapan, maaaring nagtuloy-tuloy sa pagkakatulog ang biktima hanggang sa ma-coma.
Unti-unti namang bumuti ang kalagayan ni Baby Audrey hanggang sa tuluyan na siyang pinayagan na makauwi. Pero kailangan pa ring ituloy ang gamutan sa bata at dapat na isalang muli siya sa CT scan para masubaybayan ang lagay ng pasa sa kaniyang utak.
Batay sa isang pag-aaral sa ibang bansa, sinasabing mayroong 150 katao sa buong mundo ang nasasawi bawat taon dahil sa aksidenteng nabagsakan ng bunga ng niyog. Mas marami pa raw ito kaysa nasasawi sa atake ng pating.
Samantala, dahil sa nangyari, pumayag kaya ang may-ari ng mga puno ng niyog sa lugar nina Mendoza na putulin ito kahit pa pinagkukunan ito ng kabuhayan? Panoorin ang buong kuwento sa video.--FRJ, GMA News