Ibinida sa San Fernando, Pampanga ang kakaibang parol na gawa sa mga pinagtagpi-tagping tela.
Sa ulat sa Unang Balita nitong Biyernes, batay sa report ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing binuo ang parol gamit ang sequence ng retaso ng mga tela upang mangibabaw ang kulay ng lantern.
Konsepto umano ito ng mag-amang lantern makers na sina Mark at Arnel Flores.
Pahayag ni Mark, 10-anyos pa lang siya ay gumagawa na siya ng parol.
Aniya, mahirap daw itong gawin dahil may technique para makuha ang kulay ng fabric.
Pang-outdoor display din daw ang mga parol dahil bukod sa matibay, waterproof pa ito.
Wala rin daw itong problema sa kuryente dahil buhay na buhay ang mga kulay kahit walang ilaw. —LBG, GMA News