QUEZON - Kalunos-lunos ang sinapit ng isang Grade 10 na babaeng estudyante sa Barangay Anonang, Mulanay, Quezon.

Ang biktima na 15-anyos ay pinatay sa pamamagitan ng paggilit sa leeg nito.

Nangyari ang krimen noong Enero 3 pasado alas-kuwatro ng hapon sa liblib na sitio ng barangay.

Ayon sa isang saksi, nakita pa raw niya ang suspek na hinahabol sa gubat ang biktimang umiiyak.

Agad daw humingi ng tulong ang nakakita subalit huli na ang lahat.

Wala ng buhay at duguan ang biktima nang makita ng mga kabarangay.

Ang suspek ay positibong kinilala na si alias Marcelo na residente ng Barangay Magsayday sa Mulanay.

Tumakas ito at pinaghahanap sa kasalukuyan ng mga awtoridad.

Ayon sa hepe ng Mulanay Municipal Police Station na si Police Major Joseph Java, kilala sa lugar ang suspek.

Wala itong anumang bad record sa lugar kung kaya’t tiwala ang lahat sa kanya.

Walang sinuman daw ang nag-akala na posibleng may kinalaman ito sa krimen.

Hustisya ang panawagan ng mga kaanak ng biktima. —KG, GMA Integrated News