Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang reklamo ng ilang senior citizens sa isang barangay sa Cebu City na may ibang kumuha ng financial assistance para sa kanila.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nalaman ng mga senior citizen na may kumuha ng ayuda na para sa kanila nang tingnan nila ang listahan mula sa Office of Senior Citizens Affairs ng Barangay Apas.
Sa listahan, may nakapirma na umano sa kanilang mga pangalan. Napag-alaman din na isang nakatatanda na mahigit isang taon nang patay ang nakalista pa rin at may nakapirma rin sa pangalan nito.
Kabilang si Kagawad Elizabeth Mana, co-chair ng committee on social services ng Barangay Apas, ang dumalo sa imbestigasyon ng fact finding board, upang alamin ang katotohanan sa mga reklamo.
Sa naturang imbestigasyon, natuklasan na tiyahin ng isa pang kagawad ang sinasabing senior citizen na pumanaw na pero nakalista pa sa mga tumanggap ng financial assistance.
Nangako naman ang executive director ng OSCA na si Vicente Esmena, na masusing iniimbestihan ng "house ombudsman" ang mga reklamo.--FRJ, GMA News