Inihayag ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) na pitong suspek ang kinasuhan nila kaugnay sa pagdukot at pagpatay sa 25-anyos na si Eugene del Rosario.

Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," sinabing isa sa pitong suspek ang natukoy na.

Reklamong kidnapping with homicide isinampa sa pitong suspek sa Batangas Prosecutor's Office sa Batangas City.

Matatandaan na dinukot si Del Rosario sa isang gas station sa Taal, Batangas noong Agosto 16, at kinalaunan ay nakita ang kaniyang bangkay na may tama ng bala ng baril sa Sariaya, Quezon.

Pinagbatayan umano ng pulisya sa pagsasampa ng kaso at pagtukoy sa suspek base sa salaysay ng testigo at kaanak mismo ng biktima.

Isa umano sa mga suspek ay natukoy sa Tundo, Maynila

"Itong mga impormasyon na nakuha natin ay mismong galing sa kaniyang pamilya, na ito po siya'y miyembro ng bukas-kotse gang," ayon kay Police Lieutenant Colonel Jezreel Calderon, Deputy Provincial Director for Operation, Batangas PPO.

Tumanggi muna silang magbigay ng iba pang detalye dahil patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon, at pagtukoy sa pagkakakilanlan ng iba pang suspek.

Kinukunan pa ng pahayag ang mga kaanak ni Del Rosario, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News