Nakalabas na ng kulungan ang PBA player na si John Amores at kaniyang kapatid matapos magpiyansa kaugnay sa kinakaharap na reklamong attempted homicide sa Laguna.

Ayon kay Lumban, Laguna police chief Police Major Bob Ordiz, pinakawalan sina John at kapatid niyang si John Red dakong 2:30 p.m.

Naglagak ng piyansang P24,000 si John, habang P10,000 naman sa kaniyang kapatid.

Ang reklamo laban sa magkapatid ay bunga ng umano'y pagbaril ng basketbolista sa isang lalaki matapos ang away sa laro.

Nakaligtas at hindi tinamaan ng bala ang biktima.

Nitong Huwebes, sinabi ng ina ng biktima na hindi siya papayag na makipag-areglo kay Amores.

“Kung ‘yung iba naaareglo niya, ako hindi. Pagagalisin ko buong katawan niya doon sa kulungan para madala 'yang hayop na iyan sa kahabugan niya," sabi pa ng ina ng biktima. -- FRJ, GMA Integrated News