Binuksan na ang Panguil Bay Bridge, ang longest sea-crossing bridge sa Mindanao na nagdudugtong sa Lanao del Norte at Misamis Occidental. Ang dating biyahe na umaabot ng dalawang oras, magiging pitong minuto na lang.
Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama si First Lady Liza Marcos, ang ribbon cutting ceremony sa tulay na may habang 3.1 kilometers.
Pinagdugtong ng tunay ang Tangub City ng Misamis Occidental at bayan ng Tubod sa Lanao del Norte.
“Very important development building block for both provinces and the entire island of Mindanao but more than just a physical bridge, we are connecting the dreams and aspirations of the people of Lanao del Norte and Misamis Occidental,” sabi ni Marcos sa kaniyang talumpati.
Sinimulan ang paggawa sa two-way, two-lane bridge noong February 2020, at natapos ngayong Setyembre. Pinondohan ito ng P8.03 bilyon, ayon sa Presidential Communications Office.
Naniniwala si Lanao del Norte Governor Imelda Dimaporo na uunalad ang negosyo, edukasyon, turismo, at iba pang economic activities dahil sa tulay.
Sinabi naman ni Misamis Occidental Governor Henry Oaminal, Sr., na makatutulong ang tulay para makamit ng lalawigan ang hangarin nito ng maginhawang buhay ng mga tao.
“The completion of the project will surely contribute to our provincial vision of Misamisnon magpuyo malinawon, malambuon ug malipayon. Misamisnon living peacefully, progressively and happy,” saad ni Oaminal.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, pag-aaralan pa kung mangongolekta ng toll sa pagdaan sa tulay.--FRJ, GMA Integrated News