Ipatatawag ng The Land Transportation Office (LTO) at the Land Transportation Franchising and Regulatory Board (BLTFRB) ang dalawang driver ng pampasaherong jeepney na nahuli-cam na naggitgitan at nagbanggaan sa maliit na kalsada sa Caloocan City kahit pa mga sakay silang pasahero.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing umabot na sa walong milyon ang views sa Facebook sa nangyari na nagsimula umano sa pagsingit ng isa sa kanila.
Nangyari ang insidente sa Barugo Street sa Camarin dakong 10 p.m. nitong Huwebes.
“Pinipilit nitong unahan ito, pinipilit nitong si vehicle 2 na nangyari, nasagi niya yung likod at nabasag yung ano niya, ilaw sa harapan,” ayon kay Police Captain Joel Pinon, hepe ng Caloocan Police Substation 11.
“Pagdating po dun sa parteng station 12 gas station... Doon po binunggo naman ito ni vehicle 1 si vehicle 2,” dagdag ni Pinon.
Sa video, makikita na nagbabaan ang mga pasahero mula sa dalawang sasakyan.
Hinikayat ng pulisya ang mga pasahero na maghain ng reklamo sa pulisya laban sa dalawang driver.
“Delikado po ito kasi makita natin na nataranta na yung mga tao sa pagbaba, so puwedeng maaksidente itong sakay nitong pasahero,” ani Pinon.
Pinadalhan na ng LTO at LTFRB ng show-cause order ang mga jeepney driver.
Pagpapaliwanagin din ang mga may-ari o operator ng mga jeepney tungkol sa inasal ng mga tsuper, na posibleng masuspinde o tanggalan ng lisensiya sa pagmamaneho.-- FRJ, GMA Integrated News