Nabasag ang bungo at nasawi ang isang 14-anyos na lalaki matapos na maaksidente ang sinasakyan niyang motorsiklo sa Ilocos Sur. Ang ugat daw ng trahedya, ang kursunadahan na nauwi sa pagsipa sa motorsiklo.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang nasawi na si Malik Almerino.
Kritikal naman ang lagay ng rider ng sinakyang motorsiklo ni Almerino na si Jimboy Gumarang, 18-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing magkaangkas sina Gumarang, Almerino, at isa pa, nang makaalitan nila sa daan sa Barangay San Jose sa Narvacan, Ilocos Sur, ang magkaangkas din sa motorsiklo na dalawang lalaki na nagngangalang Alexon at Arvin.
"Parang kinursunda daw nitong sina Jimboy sina Alexon. Base sa imbestigasyon, sinabi ng mga nakakita na sinipa raw ni Jimboy Gumarang itong motorsiklo nina Alexon," ayon kay PSSG Jesie Dasalla, chief investigator, Narvacan Police station.
Kasunod nito, parehong sumemplang ang dalawang motorsiklo na dahilan para tumama ang ulo ni Almerino sa poste ng bakod na kaniyang ikinamatay.
Ayon sa tiyahin ni Almerino, walang helmet na suot ang mga biktima at magsasampa sila ng kaso laban sa kabilang kampo.
Sinabi naman ni Carlito Gumarang, kapatid ni Jimboy, na batay sa kuwento ng mga kasama ng biktima, ang kabilang grupo umano ang nanipa ng motorsiklo at nanghampas pa ng helmet.
Kinumpirma ni Desalla, ang plano ng magkabilang panig na magsampa ng kontra-demanda bunga ng insidente.
Sinisikap pang makuha ang panig ng iba pang sangkot sa insidente, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News