Nilalangaw, nilalanggam at may mga uod na nang matagpuan ang isang sanggol na inabandona sa ilalim ng puno sa Eastern Samar. Ang babaeng pulis na kasamang rumesponde, pinadede ang sanggol habang isinusugod nila ito sa ospital.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nananatili sa Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban ang sanggol kung saan siya dinala.
Nakita ng isang batang nagpapastol ng hayop ang sanggol na nasa damuhan sa ilalim ng puno noong Agosto 5 sa Barangay Palanas sa munisipalidad ng Salcedo.
Ayon kay Police Corporal Cyril Joyce Bardinas ng Salcedo Municipal Police Station, umiyak ang sanggol kaya nakita siya nang taong napadaan sa lugar.
Nakabalot umano ng tarpaulin ang sanggol.
"May uod na ang bata, inuod na. Saka madaming langaw, saka langgam," sabi ni Bardinas.
Habang isinusugod nila papuntang ospital ang sanggol, pinadede pa mismo ni Bardinas ang bata.
Hindi pa masabi ni Bardinas kung maganda na ang kalagayan ngayon ng sanggol.
"Under observation pa siya. Tapos madami pang inaano...kasi may mga uod pa at saka may pneumonia na siya," anang opisyal.
Hinihintay pa ang ilang medical test para alamin kung may iba pang sakit ang sanggol.
Patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya para malaman kung sino ang magulang ng sanggol at sino ang nag-iwan sa kaniya sa damuhan.--FRJ, GMA News