Natuklasan ang kumukulong tubig sa isang sakahan sa Pasil, Kalinga matapos yanigin ng magnitude 7 na lindol ang hilagang Luzon, partikular ang Abra, noong nakaraang linggo.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA Regional TV Balitang Amianan, sinabing natuklasan ang kumukulong tubig sa Barangay Balinciagao ng nasabing bayan.

Pero batay sa pakikipag-ugnayan ng Pasil Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa chairman ng Barangay Balinciagao, sinabi nitong dating hotspring ang lugar.

"Dati raw siyang hot spring sa Brgy. Balinciagao. Malaki daw siya noong 1990 earthquake, as the years passed, medyo lumiit 'yung tubig niya. Ngayon na nag-earthquake noong July 27, bigla na namang lumaki 'yung tubig, 'yung hot spring na 'yun," sabi ni Marilyn Pagutayao, LDRRMO ng Pasil.

Dagdag ni Pagutayao, posible ring lumaki ang butas sa lugar.

Kahit na malayo sa mga kabahayan ang sakahan, ipasusuri pa rin ang kumukulong tubig sa PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology ang Seismology).

"Ipa-validate sa kanila, ipa-visit sa kanila. We are expecting PHIVOLCS for further assessment in the area," dagdag ni Pagutayao.

Sinabi naman ng Office of the Civil Defense Cordillera na tuloy ang ginagawa nilang assessment sa epekto ng lindol.

"Magdi-deploy kami ng more comprehensive assessment within August para i-cover lahat ng sector na kailangan, para ma-identify ang needs nila for long-term rehabilitation," sabi ni Cordillera RDRRMC Secretariat Ferdinand Tamulto. —LBG, GMA News