Umakyat sa 10 katao ang nasawi, at lima ang sugatan sa malagim na salpukan ng dalawang sasakyan sa General Santos City nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ni Jestoni Jumamil sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita sa video ang pira-pirasong bahagi ng sasakyan, at ang mga biktimang nakahandusay sa kalye sa Barangay Batomelong, matapos magsalpukan ang isang wing van truck at isang commuter van.
Sa lakas ng banggaan, wasak na wasak ang commuter van at tumilapon ang mga sakay nito na pawang empleyado ng isang kompanya.
Nawasak naman ang unahan ng truck.
Sa pinakahuling ulat mula sa Traffic Enforcement Unit ng GenSan, sinabing 10 na ang nasawi, kabilang ang driver ng van na si Noel Podadera.
Nasawi rin ang mga sakay ng van na sina Lalaine Joy Labang, Regie Pag-Ong, Alfredo Abatayo, Ryan Jan Ninez, Mylene Donaldo, Carlo Advincula.
Pumanaw habang ginagamot sa ospital ang iba pang sakay ng van na sina Salvacion Masugbod, at Rose Ann Macpal, at ang driver ng wing van truck na si si Cesar Andaya.
Ang mga sugatan ay kinilalang si Reginal Gadia, Jerel Villaruz, Jeraldine Villaruz, Shiela Bantaculo, at si Elbert Hayag, driver ng nadamay na pick-up truck.
Ayon sa TEU-GenSan, galing sa team building ang mga sakay ng van na pawang empleyado ng isang kompanya.
Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na sumabog umano ang isang gulong ng van at bumangga sa nakasalubong na truck.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring trahedya.--FRJ, GMA News