Umaabot na sa mahigit 200 aso at 80 pusa ang inaalagaan ng isang pamilya sa animal shelter na kanilang itinayo noon lang 2020 sa Lemery, Batangas.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, sinabi ni Hermie Plumarebay, ng Barangay Mahabang Dahilig, na bata pa lang ay hilig na talaga niyang mag-alaga ng hayop.
Taong 2020 nang umpisahan niyang mag-alaga ng aso at pusa.
"Araw-araw po mayroon ditong nagdadala ng tuta, aso, pusa. Tinatanggap po namin 'yon kahit na po walang ipinapangako," sabi niya.
Sa pagtaya ng pamilya ni Hermie, umaabot sa P50,000 ang nagagastos nila sa pagkain ng mga hayop sa loob ng isang linggo. Bukod ang bitamina at gamot kapag may nagkakasakit.
Nanggagaling daw sa donasyos at tulong ang kanilang ginagastos sa pag-aalaga. Pero madalas, nag-aabono raw sila.
May pagkakataon umano na gusto na niyang sumuko at itigil na ang ginagawang pagkupkop sa mga hayop. Pero mas nangingibabaw pa rin ang kasiyahan niya sa pag-aalaga sa mga haop.
"Masaya ako, nandito yung puso ko, nandito yung peace of mind ko," sabi ni Hermie. "Mahirap din para sa akin pero dito ako nakakakuha ng kasiyahan." --FRJ, GMA News