Wala nang naisalbang gamit sa isang bahay na kinain ng apoy sa San Fernando City, Pampanga. Ang pinagmulan daw ng sunog, ang paglalaro ng lighter ng isang batang dalawang-taong-gulang.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, makikita sa kuha sa cellphone video ang maitim na usok habang nilalamon ng apoy ang bahay sa Barangay San Jose.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumilitaw na nagsimula ang sunog dahil sa napaglaruang lighter ng batang anak ng mga may-ari ng bahay.
"May two-year-old silang anak, yung owner ng bahay. Nakahanap ng lighter [yung bata] tapos sinindihan yung papel, inilagay sa kama nila. Dahil highly combustible yung foam at saka yung mga damit na nandoon sa kuwarto, mabilis kumalat yung apoy sa bahay nila," ayon kay Fire Senior Inspector Ryan Pascual, San Fernando City Fire Mashal.
Naagapan naman ang sunog na hindi na kumalat sa ibang tahanan. Pero walang naisalbang gamit sa nasunog na bahay
Wala namang nasaktan sa naturang insidente, at nagbigay na umano ng tulong ang lokal na pamahalaan sa nasunugan.
Payo ni Pacsual sa publiko, itabi nang maayos ang mga gamit na maaaring pagmulan ng sunog na puwedeng mapaglaruan ng mga bata.--FRJ, GMA News