Humigit kumulang sa 20 aso ang namatay dahil sa panlalason umano ng hindi pa nakikilalang salarin sa San Andres, Catanduanes.
Sa ulat ni Jezzie Cruzat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa loob lamang ng dalawang araw sa Barangay Codon.
Malakas ang klase ng lason umano ang ginamit sa mga aso kaya mabilis silang namatay, ayon sa mga awtoridad.
Pinaniniwalaang sa gabi sumasalakay ang hindi pa matukoy na salarin kaya hindi ito napapansin ng mga residente sa barangay.
Mahigpit ang ginagawang imbestigasyon ng kapulisan sa kasalukuyan para malutas ang insidente.
"Ngayon lang po nangyari actually itong insidenteng ito sa paglason ng mga aso. So nagtanong-tanong na kami kung sinong mga possible na may kagagawan nito," sabi ni Police Captain Lester Velez Quililan, COP ng San Andres MPS.
Ikinalungkot ng isang residente ng barangay ang pangyayari at umaasa siya na kaagad matitigil ang ginagawang paglason sa mga aso sa kanilang lugar.
"Maaksyunan agad, kasi kawawa naman talaga 'yung mga aso. Ang sinasabi namin na although may mali 'yung mga owner pero mas mali 'yung pumatay ng mga alaga lalo na itinuturing namin na hindi basta alaga, parang pamilya na rin namin 'yan," sabi ng residenteng si John. --Jamil Santos/FRJ, GMA News