Isang buwaya na may habang anim na talampakan ang nahuli ng mga residente sa bukid na malapit sa ilog ng Guiguinto, Bulacan.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing nahuli ng mga residente ang buwaya sa bukid sa Barangay Malis.
READ: Buwaya, nakitang gumagala sa ilog ng Guiguinto, Bulacan
Kuwento ni Elizarde Ezusan, namimingwit ng isda sa ilog ang kaniyang kapatid nang makita ang buwaya sa bukid na malapit sa ilog.
Kasama ang iba pang residente, pinagtulungan nilang hulihin ang buwaya na may habang anim na talapakan.
Ayon sa municipal agriculturist, isang uri ng saltwater crocodile ang buwaya na unang nakitang lumalangoy sa ilog ilang linggo na ang nakalilipas.
Nilagayan ng micro chip ang buwaya at kinuhanan ng DNA sample para matikoy kung saan ito nanggaling.
Ibibigay naman sa pangangalaga ng Department of Environment and Naturan Resources (DENR) ang buwaya.
Nabistong farm ng buwaya noong 2020
Palaisipan pa kung papaanong nagkaroon ng buwaya sa ilog ng Guiguinto.
Pero sa isang ulat ng GMA News "24 Oras" noong Agosto 2020, mayroong 10 buwaya ang nakita umano sa isang pribadong farm sa Barangay Tabe sa nasabing bayan.
Nabisto umano ang mga buwaya nang magsagawa ng raid sa isang ilegal na sabungan doon at napadpad sa farm ang ilang tumakas na sabungero.
Isang sabungero pa umano ang nakagat ng buwaya.
Ipinagbigay-alam ng mga opisyal ng barangay sa kinauukulan ang natuklasang mga buwaya. Pero nang puntahan ang farm, wala na ang mga buwaya.--FRJ, GMA News