Dalawang menor de edad ang nahulog mula sa isang hanging bridge sa Talisay City, Cebu nitong Linggo.

Nahulog ng 10 feet mula sa tulay ang mga biktimang edad 10-anyos at 14-anyos, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Martes, base sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak.

Ayon sa mga nakakita ng pangyayari, naligo raw ang mga bata sa ulan.

Nang pabalik na sila at nasa tulay ay biglang bumigay ang tension cable na nagsisilbing suporta rito.

Marami raw bata ang nasa tulay noon ngunit nakatakbo ang iba.

Nasagip ang dalawang batang nahulog at ngayon ay nasa mabuting kalagayan na sila.

Nangako naman ang mga opisyal ng local government unit na aayusin ang tulay sa loob ng isang buwan. —KG, GMA News