Labis ang pasasalamat sa Diyos ng bagong administrator ng Sto. Tomas City, Batangas sa pagkakaligtas niya sa ambush dahil sa dalawang bala ang muntikan nang tumama sa kaniyang ulo at sikmura.

Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabi ng biktimang si Engineer Severino Medalla, na sakay siya ng minamaneho niyang pickup truck at magdadala sana ng gamit sa munisipyo nitong nakaraang Sabado nang paputukan siya ng mga nakatakas na salarin sa Barangay Sta. Anastacia.

Ayon kay Medalla, dating punong barangay ng Sta. Anastacia, at dating presidente ng Liga ng mga Barangay, inakala niya noong una na may sumabog lang na gulong nang makarinig siya ng putok.

Pero nagulat siya nang makita niyang nabasag ang salamin ng bintana ng kaniyang sasakyan.

Itinuturing ni Medalla na masuwerte siya dahil ang isang bala na puwedeng tumama sa kaniyang ulo ay sa headrest ng sasakyan tumama.

Samanatalang ang isa pang bala na puwedeng tumama sa kaniyang sikmura, tumama naman sa matigas na parte nang suot niyang safety belt ng sasakyan.

"Yung safety belt na yun medyo halos nabutas kaya medyo naramdaman ko sa katawan ko," anang administrador.

Nakatakas naman ang mga salarin na sakay ng motorsiklo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng mga salarin at posibleng motibo sa pagtatangka sa buhay ni Medalla.

Samantala, iniutos ni Mayor Arth Jhun Marasigan, na repasuhin ang ipinapatupad nilang ordinansa na nagbabawal sa kanilang lungsod na magkaangkas na sakay ng motorsiklo maliban kung mag-asawa o mula sa iisang bahay lang.

"Babalikan natin yung ordinansa na 'yon para ma-review siya at ma-implement so also to impede if not totally prevent crime involving riding in tandem," anang alkalde.--FRJ, GMA News