Sinagip ng mga awtoridad ang pitong menor de edad na biktima umano ng child pornography sa Cebu. Ang suspek, kaanak pa mismo ng mga biktima.

Sa ulat ng Super Radyo Cebu, sinabing sinugod ng mga awtoridad ang isang bahay na ginagamit umano sa krimen sa bisa ng isang search warrant, ayon sa Unang Balita nitong Huwebes.

Dito dinakip ang isang babae na kamag-anak mismo ng mga menor de edad.

Isang computer at ilang cellphone naman na pinaniniwalaang ginagamit sa ilegal na gawain ang kinumpiska ng mga awtoridad.

Maaaring maharap sa reklamong may kaugnayan sa Expanded Anti-Trafficking In Persons Act ang babae, na hindi pa nagbibigay ng pahayag. —Jamil Santos/VBL, GMA News