Arestado ang magkapatid sa Quezon City na nang-aagaw umano ng motorsiklo at ibinebenta online sa murang halaga ang kanilang mga ninakaw.
Naaresto ng pulisya sa ikinasang entrapment operation sa Barangay Holy Spirit ang magkapatid na suspek na kinilalang sina Ralph Anthony at Jason Rivera.
Ang pinakahuli nilang biktima ay isang food delivery rider na maghahatid sana ng pagkain sa Republic Avenue.
Ayon sa biktima, bigla umano siyang pinara ng mga suspek at may itatanong lamang umano. Pagkahinto niya, kaagad umano siyang tinutukan ng baril at inagaw ang kanyang motorsiklo.
Pati umano cellphone at kita ng biktima ay tinangay din ng mga salarin.
Agad daw ipinost online ng mga suspek ang litrato ng motosiklo at ang speaker nito na ibinebenta lamang sa murang halaga.
Ngunit napangsin ang post ng kaibigan ng biktima at positibong kinilala ang ninakaw na speaker sa makakabit sa motorsiklo.
Kaya, nakipag-deal online ang may-ari ng motorsiklo sa mga suspek, at matapos ito, ikinasa na ang entrapment operation ng mga pulis.
Nabawi sa mga suspek ang ninakaw na motorsiklo, isang baril at iba't ibang IDs.
Napasugod daw sa police station ang iba pang mga nabiktima ng dalawa.
Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, iisa lamang ang modus ng magkapatid at marami na silang nabiktima.
Aminado naman ang magkapatid sa kanilang krimen pero hindi umano lahat ng binebentang sa kanila ay totoo. — LBG, GMA News