Isang bata ang nasawi, habang sugatan ang isa pa matapos silang tamaan ng kidlat habang nasa outing at naliligo sa isang beach sa Tanza, Cavite.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," sinabing 10-taong-gulang na lalaki ang nasawing biktima, na residente ng Naic.
Habang 11-taong-gulang naman ang isa pang biktima na nagpapagaling na sa kanilang tahanan.
Nangyari ang trahediya sa isang beach resort sa Barangay Capipisa sa Tanza.
Ayon kay Don Simon, rescuer ng Tanza-Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, pabalik na sa cottage ang biktima nang tumama ang kidlat.
"Naliligo, pabalik na sila sa cottage, pagbalik ng cottage biglang kumidlat gawa ng malakas... lumakas po ang hangin, kumidlat bigla. Yun tinamaan ang bata," sabi ni Simon.
Inihayag naman ng kaanak ng biktimang nakaligtas na nakararamdam ng sakit ng ulo at pagsusuka ang bata.
"Biglang kumulog, nabigla na lang kami kasi nagkakasiyahan kami, nagbi-videoke kami. Biglang may pumutok nang malakas. Nagulat kami, akala namin kung anong putok ang narinig namin. Yung pagtingin namin sa labas, may nakabulagta nang dalawang bata," kuwento ni Joaquin Loera, kaanak ng nakaligtas na biktima.
Payo ni Simon, makabubuting sumilong o pumasok sa bahay ang mga tao kapag may mga abiso ng thunderstorm upang makaiwas sa peligrong dulot ng tama ng kidlat.--FRJ, GMA News