Dalawang bata ang nasawi, habang nagpapagaling sa ospital ang isa pa, matapos silang makuryente nang sumilong sila sa waiting shed sa kasagsagan ng ulan sa Apalit, Pampanga.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay San Vicente habang ginaganap ang kapistahan.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na nagkasiyahan ang mga bata na maligo sa ulan sa kalye.

Pero nang lumakas pa ang buhos ng ulan at hangin, nagpasya ang tatlo na sumilong sa waiting shed. Hindi nila napansin na may nakalawit na live wire mula sa katabing poste.

"Lumakas yung ulan at hangin so bigla nilang naisipang sumilong sa waiting shed. Ang nangyari nahawakan nila yung open wire, nakuryente sila," ayon Police Leiutenant Colonel Jose Charlmar Gundaya, hepe ng Apalit Police station.

Isinugod sa ospital ang tatlong bata pero binawian ng buhay ang dalawa, at nagpapagaling naman ang isa pa.

Inayos na rin umano ang nakalawit na kalbe ng kuryente matapos ang nangyaring insidente.

Pinag-aaralan ang kasong isasampa kaugnay sa sinapit ng tatlong biktima.

"Hintayin na lang natin kung ano yung magiging pasya ng mga pamilya ng namatayan. Pinag-aaralan namin kung anong puwedeng ikaso kung pupunta yung mga magulang [ng mga bata]," ayon kay Gundaya.--FRJ, GMA News