Halos matungkab ang katawan ng isang ambulansiyang maghahatid ng pasyente sa ospital matapos itong sumabit sa kawad ng poste sa Laguna. Apat na sakay nito ang sugatan.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera sa bahagi ng Maharlika Highway sa Alaminos, Laguna.

Maayos naman ang daloy ng mga sasakyan nang dumaan ang ambulansiya na mabilis ang takbo. Pero bigla na lang natungkab ang nasa kanan bahagi nito dahil sa lakas ng puwersa sa pagkakasabit.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na papunta sana sa San Pablo ang ambulasiya para maghatid ng pasyente sa ospital.

Pero may iniwasan daw na sasakyan sa unahan ang driver ng ambulansiya.

"May biglaan pong isang sasakyan na tumigil sa kaniyang harapan. Ito po ay kinabig ng driver pakanan subalit po ay aksidente pong nabangga ng driver ang body truck po ng ambulansya dun sa isang poste," ayon kay PSMS. Arly Salapa, imbestigador ng Alaminos Police Station.

Apat na sakay ng ambulansiya ang nasaktan sa insidente.

Ligtas naman ang pasyente ng ambulansiya na kaagad din nailipat at nadala sa ospital.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtroridad sa insidente kung totoo ang sinasabi ng driver ng ambulansiya.--FRJ, GMA News