Nauwi sa paluan ng tubo ang gitgitan sa kalsada ng isang dayuhang driver at isang Pinoy jeepney driver sa Davao City.
Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV News nitong Sabado, sinabing nangyari ang insidente noong Huwebes ng hapon sa Ponciano Street.
Sa video na kuha ng isang netizen, makikita na sinipa ng dayuhan ang pinto ng jeepney. Bahagya rin niyang pinalo ng hawak na tubo ang driver na Pinoy.
Pero sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na naagaw lang umano ng dayuhan ang naturang tubo sa jeepney driver.
Nagsimula umano ang kaguluhan matapos na makagitgitan ang minamanwhong SUV ng dayuhan at jeepney ng Pinoy.
Makikita na may umaawat na babae at mga local authorities sa dayuhan pero ayaw magpaawat nitong magpaawat at sinusugod pa rin ang jeepney driver.
Nang dumating ang mga pulis, dinala ang dalawa sa presinto. Doon nagkasundo ang dalawa na aayusin na lang nila sa barangay ang kanilang naging away.
Napag-alaman naman mula sa isang impormante na bago makagirian sa kalye ang jeepney driver nang araw na iyon, may nauna nang nakasagian ang dayuhang driver na isang taxi.--FRJ, GMA News