Sa kulungan ang bagsak ng isang retiradong pulis at kaniya umanong "kaulayaw" matapos daw silang maaktuhan ng kaniyang misis na magkasama sa loob ng kuwarto ng kanilang bahay sa Caoayan, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kapuwa inaresto ang mister at kaniya umanong babae, matapos silang ireklamo ng misis ng retiradong pulis.

Ayon sa pulisya, nagtalo muna ang mag-asawa na dahilan para umalis ng kanilang bahay ang ginang. Dito na umano nakahanap ng pagkakataon ang sinasabing kaulayaw ni mister at nagpunta naman sa bahay ng mag-asawa.

Pero nalaman umano ng ginang na nandoon at babae ng kaniyang mister at nahuli umano nito sa akto ang dalawa sa loob ng kuwarto.

Mayroon pa umanong kuha sa video ang dalawa pero kinuha raw ng lalaki ang cellphone at itinapon sa dagat.

Tumakas ang mister at ang babae pero nahanap din sila at inaresto.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang mister at ang babae, pati na ang nagreklamong ginang.

Pero itinanggi umano ng retiradong pulis ang paratang. --FRJ, GMA News