Nahuli ng isang mister ang kaniyang misis na may kasamang ibang lalaki sa isang pension house sa Calinog, Iloilo noong Enero 1. Pero kahit kasama na niya ang mga pulis, hindi nagsampa ng reklamo ang mister laban sa dalawa.
Sa ulat ng GMA Regional TV nitong Lunes, sinabi ng mister na Enero 1 nang magpaalam ang kaniyang misis na pupunta lang ito sa tindahan.
Pinayagan naman ng mister ang kaniyang asawa pero hindi alam ng ginang na palihim niya itong sinundan.
Hanggang sa nakita na ng mister ang kaniyang misis na kasama na umano'y kalaguyo nitong lalaki at pumasok sa isang pension house.
Doon na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mister upang magsumbong.
Nahuli umano ang misis at ang lalaki nang lumabas na sila mula sa pension house.
Gayunman, hindi na nagsampa ng reklamo ang mister matapos na humingi ng tawad ang dalawa sa kanilang ginawa. --FRJ, GMA Integrated News