Patay sa pamamaril ng riding in tandem ang isang barangay kagawad sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Ronald Castillo, 52-anyos, kagawad sa Barangay Magsaysay Sur sa Cabanatuan.

Sa kuha ng CCTV camera sa barangay, makikita sa dilim ang pagdaan ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo.

Ilang saglip pa, makikita na ang sunod-sunod na pagkislap mula sa putok ng baril nang tumapat sila sa nakatayong biktima.

Natumba ang biktima habang napatakbo naman palayo ang kasama niyang lalaki.

Nakatakas ang mga salarin habang dinala naman sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Napag-alaman na dating kapitan ng barangay si Castillo. Ang kaniyang asawa ang kasalukuyang may hawak ng naturang posisyon.

Ayon sa pulisya, patuloy ang kanilang imbestigasyon para matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin. --FRJ, GMA News