QUEZON - Hindi bababa sa pitong katao ang patay habang 24 ang sugatan nang masunog ang isang pampasaherong bangka sa karagatan na sakop ng Real, Quezon nitong Lunes ng umaga.
Ito ang kinumpirma ni Polillo, Quezon Mayor Cristina Bosque at ng Philippine Coast Guard (PCG).
"Merong pitong patay," ani PCG spokesperson Commodore Armand Balilo sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
Lima sa mga nasawi ay babae at dalawa ang lalaki, dagdag niya.
Tatlo naman sa mga nailigtas ay nasa kritikal na kondisyon, aniya.
Base sa ulat ng PCG, may 134 na sakay ang bangka, kabilang ang walong crew members.
Ayon kay Police Major General Rhoderick Armamento, Southern Luzon area police commander, lahat ng pasahero ng bangka ay nakita na.
"'Yung pinakalatest 'yung bata narecover na ngayon lang, minutes ago. As of this very moment, 'yung reported na 134 passengers ay accounted na unless na may other reports pa na papasok...kanina isa na lang ang hinahanap natin,
minutes ago narecover na 'yung bata na eight years old," sinabi niya sa hiwalay na panayam ng Super Radyo dzBB.
Idinagdag pa ni Armamento na ang mga opisyal ng pulis, lokal na pamahalaan, PCG, at municipal disaster risk reduction and management office ay kasalukuyang nagpupulong hinggil sa insidente.
Ayon kay Balilo, hindi pa niya maibibigay ang pangalan ng bangka dahil kailangan pa nilang ipagbigay-alam ang insidente sa mga kinauukulan.
"Alam ko meron ‘tong lubog dati pero hindi naman ito luma. Itong mga Mercraft, bago ito,” aniya.
Batay sa ulat ng lokal na pamahalaan ng Polillo, umalis sa kanilang bayan ang bangkang Mercraft 2 dakong alas-singko ng umaga nitong Lunes at patungo sana ito sa bayan ng Real.
Pasado alas-sais ng umaga ay nagdeklara ng abandon ship command ang kapitan dahil sa sumiklab na sunog.
Sumiklab daw ang sunog nang nasa layong 1,000 yarda ang Mercraft 2 mula sa Port of Real, ayon kay Balilo.
Hindi bababa sa anim na pasahero ang naunang nadala na sa ospital, ani Balilo.
Dagdag pa niya, hindi raw overloaded ang bangka base sa passenger manifest.
Karamihan sa mga nasagip ay nadaanan ng mga RORO at dinala sa Real Port habang ang iba naman ay dinala sa Polillo.
Nakita na rin ang kapitan ng bangka na si John Lerry Escareces at kasalukuyang ginagamot sa Claro M. Recto Hospital.
Ayon sa PCG, idineklarang under control ang sunog sa Mercraft 2 bandang 9:33 ng umaga.
Hinila ng MV Triple Ken ang nasunog na bangka sa Baluti Island, Barangay Cawayan sa Real.—may karagdagang ulat mula kay Joviland Rita/KG/AOL, GMA News