Nabulabog ang misa sa isang simbahan sa Barili, Cebu nang sumugod doon ang umano’y lider ng isang kulto at 20 niyang tagasunod.
Sa video ng GMA News Feed, makikita ang umano'y cult leader na isa rin daw faith healer, na umakyat sa altar ng simbahan at tila may sinasambit sa imahen ni Hesus.
Nilapitan siya ng pari para kausapin na bumaba sa altar.
Pero habang nasa loob pa ng simbahan, pinagsisigawan ng lalaki ang pari.
Maging ang mga miyembro niya ay nakipagtalo rin sa mga taong nagsisimba.
Namagitan naman ang mga pulis at sundalo para maiwasan na lumala ang sitwasyon.
Ayon sa mga nakasaksi, nangyari ang insidente habang idinaraos ang misa para sa pista ni San Isidro Labrador.
Napag-alaman sa mga pulis ang lalaking sumugod sa ay lider umano ng isang kulto at faith healer na kinilalang si Jerome Villarin.
Inaresto siya ng mga pulis pati na ang kaniyang mga kasama. Nakatakda silang sampahan ng reklamong offending the religious feeling.
Nakasaad sa Revised Penal Code na, "The penalty of arresto mayor in its maximum period to prision correccional in its minimum period shall be imposed upon anyone who, in a place devoted to religious worship or during the celebration of any religious ceremony shall perform acts notoriously offensive to the feelings of the faithful."
Hindi pa nagbibigay ng pahayag sa media ang lalaki at kaniyang grupo.--FRJ, GMA News