Isang transgender student ang brutal na pinaslang na nakitang laslas ang leeg at may mga saksak sa Tawi-Tawi. Ang mga pulis, kabilang sa anggulong sinisilip ay ang posibilidad na miyembro rin ng LGBTQIA plus ang nasa likod ng krimen.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Khay Abdulgajir, na nakitang patay sa daan noong May 17.
"Masakit sir dahil ‘yung ginawa nila sa anak, parang… pinatay nila parang hayop," umiiyak na pahayag ni Ruaida Nain Muallip, ina ng biktima.
"Nilalas nila sir, tapos ‘yung marami pang sugat. Ang bata ng anak ko sir, walang kalaban-laban," patuloy niya.
Batay sa imbestigasyon ng Bongao Police Station, sinundo si Abdulgajir ng kaibigan noong Lunes para sa trabaho bilang event organizer.
Nitong Martes ng madaling araw ay nakita na ang kaniyang bangkay at nawawala ang cellphone.
"Isa po sa anggulo natin is ‘yung, dahil po sa selos. At isa naman po ay dahil sa kanilang hanapbuhay," ayon kay Police Captain Kuhutan Imlani Jr., Officer-in-charge, ng Bongao Police Station.
Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), magsasagawa sila ng motu propio investigation, sa pamamagitan ng regional office sa Region IX, at makikipag-ugnayan sa Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC).
"Tinitingnan po namin dito, ini-examine po naming, pinag-aaralan po naming ‘yung kaso, kung saan po ang aming opisina ay puwedeng mag-provide ng any form of assistance," sabi ni Mohammad Ghamidi Amilhassan, Investigator on case ng Bangsamoro-HRC.
Ang LGBTIQ community sa lugar, naniniwalang "hate crime" ang nangyari kay Abdulgajir.
"May chilling effect po kasi ang ganitong krimen pong ito ay nangyari sa kasagsagan ng selebrasyon towards fight discrimination, towards trans, bisexual and LGBTIQ community," pahayag ni Salm Kairo Dumanlag, Executive Director ng Mindanao Pride.
Pero hindi naniniwala si Imlani Jr. na "hate crime" ang motibo sa krimen.
"Ang malaking posibilidad po kasi na miyembro din po nila ‘yung ano... (suspek). Pero under investigation pa po sir," anang opisyal. "Isa po yun sa anggulo namin sir." --FRJ, GMA News