Isang barangay kagawad ang nasawi at 15 pa ang sugatan nang sumalpok ang isang van sa kasalubong na mini-bus sa Santiago, Ilocos Sur. Ang driver ng van, nagtangka raw mag-overtake sa sinusundang motorsiklo.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules. kinilala ang nasawing biktima na si Gertrudis Javillonar, 69-anyos, kagawan ng Barangay Sabuanan sa bayan ng Sta Lucia, Ilocos Sur.
Ayon kay Police Lieutenant Dodofredo Ribuyaco, OIC ng Santiago Police station, mga barangay official ang sakay ng van na galing sa Vigan at pabalik na Sta. Lucia nang mangyari ang insidente.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing ang chairman umano ng barangay na si Mariano Agusan ang nagmamaneho ng van.
Tinangka raw nitong unahan ang isang motorsiklo sa national highway sa Barangay Dan-Ar sa Santiago, nang makabanggaan na ang kasalubong na mini bus.
Sa lakas ng salpukan, nawasak ang unahan ng van. Nagtamo rin ng malaking pinsala sa unahan ang mini bus.
Sugatan si Agusan at walong iba pa na sakay ng van, habang anim ang nasugatan sa mga sakay ng mini bus.
Dinala ang mga sugatan sa ospital.
Wala pang pahayag ang mga driver ng dalawang sasakyan at ang pamilya ng nasawi, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News