SARIAYA, Quezon - Makaraan ang dalawang taong pagkahinto dahil sa pandemya ay muling isinagawa nitong Linggo, Mayo 15, sa bayan ng Sariaya, Quezon ang kanilang sagala.

Ang sagala ay parte ng pagdiriwang ng pista ng patron ng mga magsasaka na si San Isidro Labarador.

Suot ang kanilang magarbong gown na yari sa buli at niyog ay nagpatalbugan sa pagrampa ang mga kabataan.

Ang mga gown na ginamitan ng indigenous materials ay dinisenyo ng mga local designer ng Sariaya.

Pagniniyog ang isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan ng mga taga-Sariaya kung kaya’t mga dahon ng niyog, bulaklak ng niyog, kayakas at coconut shell ang ginamit sa mga gown.

Ang mga dahon ng puno ng buli naman na ginagamit sa paggawa ng banig, bag at basket ay karaniwan ding makikita sa Sariaya.

Ang mga gown ay maituturing na world class dahil sa ganda ng pagkakagawa sa mga ito.

Kapansin-pansin ang detalyadong mga palamuti na talagang pinagpaguran ng mga gumawa.

Bumagay ang mga ito sa angking kagandahan ng mga babaeng taga-Sariaya.

Ang pagdiriwang ay pasasalamat ng mga taga-Sariaya sa masaganang ani. —KG, GMA News