Isang hinihinalang "flying" voter ang nasawi matapos magkaagawan ng balota sa Binidayan, Lanao del Sur.

Sa ulat ng GMA News nitong Lunes, sinabi ni Brigadier General Jose Maria Cuerpo, na hinihinalang mula sa Maguindanao ang nasawing botante sa Barangay Magonaya.

Sa gitna ng gulo, may nasirang vote counting machine (VCM) at ilang balota rin ang napunit.

Inihayag naman ng Commission on Elections na kaagad din na natigil ang kaguluhan at nagpatuloy din ang botohan sa lugar,

Patuloy pa umanong inaalam ang iba pang detalye sa nangyaring insidente.

Sa bayan naman ng Butig sa nasabi ring lalawigan, nagkaroon din ng kaguluhan sa isang polling precinct at may isang nasugatan.

Kumilos din kaagad ang mga awtoridad para mapakalma ang sitwasyon at nagpatuloy din ang botohan.--FRJ, GMA News