Arestado ang mag-live in partner sa Naic, Cavite na naaktuhan umanong namimigay ng sobre na may laman na P500 at sample ballot na may pangalan ng mga lokal na kandidato. Ang dalawa, nabisto nang isumbong ng mga first time voter na kasama sa listahan nila.
Ayon sa GMA News Feed, nangyari ang vote buying nitong May 8, isang araw bago ang halalan.
Nasa 50 sobre na may laman na tig-P500 ang nakuha umano sa mga suspek.
Bukod pa ito sa mga sample ballot na nakuha sa kanila, at listahan ng mga botante na kanilang bibigyan ng sobre.
Nagtaka umano ang ilang first time voters kung papaano sila nakasama sa listahan ng mga suspek.
Pero sa halip na tanggapin ang pera, isinumbong nila ang dalawa sa Anti-Vote Buying Task Force ng Naic Police, at naaktuhan ang mga suspek na namimigay ng sobre.
Ayon sa pulisya, may listahan ng mga botante na hawak ang mga suspek. Sa sandaling tanggapin umano ng botante ang sobre, ibibigay sa kanila ang sample ballot na nakalista ang pangalan ng ilang lokal na kandidato.
Ipapadala umano ng pulisya sa Commission on Elections ang mga nakalap na ebidensiya para sa pagsasampa ng kaso.
Bukod sa vote buying, posible ring ireklamo ang mga suspek ng paglabag sa Omnibus Election Code dahil namimigay rin sila ng leaflets o pangangampanya isang araw bago ang halalan.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang mga suspek.--FRJ, GMA News