Hinangaan ang katapatan ng isang basurero nang isauli niya ang napulot na pera sa Legazpi City, Albay, na pag-aari pala ng isang guro.
Sa ulat ni Jessie Crusat sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage sa harapan ng Legazpi City National High School, ang pagtigil ng isang sasakyan.
Bumaba ang sakay na pasahero nito na isang babaeng guro. Pero sa kaniyang pagbaba, hindi niya napansin na nalaglag ang kaniyang pera na nagkakahalaga ng P10,000.
Ilang saglit matapos makapasok ng gate ng paaralan ang guro, napadaan ang basurerong si Alden Marquez, kasama ang isang bata.
Nakita niya ang pera sa daan at pinulot. Isang lalaking nakasakay naman sa pedicab ang nakasabay nila na tila humihingi rin ng pera.
Pero hindi ito ibinigay ni Marquez, at sa halip ay nagpasya siyang pumunta sa eskwelahan at ibinigay sa guwardiya ang pera.
Naibalik naman sa guro at pera.
Dahil sa katapatan ni Marquez, binigyan siya ng kaunting pabuya ng guro bilang pasasalamat sa kaniyang katapatan.
Plano rin ng principal ng paaralan na bigyan ng parangal si Marquez.--FRJ, GMA News