Patay ang isang barangay chairman sa Bangued, Abra, matapos siyang barilin habang nanonood ng basketball. Ang biktima, napag-alaman na binaril na rin noong 2019 pero nakaligtas.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Ronnie Bringas, 45-anyos, chairman ng Barangay Angad.
Sa imbestigsyon ng pulisya, lumitaw na nanonood ng basketball tournament sa kanilang gymnasium ang biktima nang lapitan ng salarin at biglang barilin.
Mabilis na tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo. Pero hinabol siya ng mga tao hanggang sa sumempleng.
Gayunman, nagawa pa ring makatakas ng salarin pero naiwan niya ang motosiklo at isang piraso ng tsinelas.
Napag-alaman na binaril na rin noong 2019 si Bringas kung nakaligtas. Inaalam na ng mga awtoridad kung may kaugnayan ito sa nangyaring pamamaril sa kaniya sa basketball court.
Aalamin ng mga pulis kung may kinalaman ang krimen sa darating na aleksiyon. --FRJ, GMA News