Nauwi sa trahedya ang masayang paliligo sa irigasyon ng grupo ng kabataan nang makuryente at mamatay ang isa sa kanila nang manguha ng bunga ng mangga sa Sudipen, La Union.
Sa ulat ni Jasmine Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagkayayaan umano ang mga kaibigan at ang biktimang Grade 7 student na si Jomar Beranda, na maligo sa irigasyon sa kanilang lugar sa Barangay Turod.
Sa gitna ng paliligo, umahon umano sa tubig ang biktima at umakyat sa bubungan ng barangay health center para mamitas ng bunga ng mangga.
Pero nasagi umano ng biktima ang live wire na dahilan ng kaniyang pagkakakuryente at pagkamatay.
Ayon sa pulisya, dead on arrival ang bata nang dalhin sa ospital.
Hindi matanggap ng ina ni Beranda ang nangyari sa anak na inakala raw niya sa irigasyon na malapit sa kanilang bahay maliligo ang mga ito.
Humingi sila ng tulong ang pamilya para mabigyan ng maayos na libing ang biktima. Napag-alaman na walang permanenteng trabaho ang ina nito at contruction worker ang ama.--FRJ, GMA News