Nagkagulo ang mga dumalo sa isang event sa Cebu City nang mahulog ang isang sports car sa dagat, ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Ayon sa uploader ng video na si Blendell Sanico, may event sa lugar ngunit hindi kasama ang sports car dito.
Tila nakalimutan i-hand brake ng motorista ang sports car nang i-park ito.
Umatras ang kotse nang walang sakay at dumeretso sa tubig.
Inabot ng 30 minuto bago naiahon ang kotse sa tubig.
Mandaue
Samantala, sa Mandaue City, Cebu, nahulog ang isang kotse sa hukay ng ginagawang drainage.
Nakainom daw ang driver nang mangyari ang aksidente, ayon sa mga awtoridad.
Wala namang nasaktan sa insidente.
Nasugbu
Sa Nasugbu, Batangas naman, 24 na magkakaanak ang sugatan matapos mahulog ang kanilang sinasakyang jeep sa bangin.
Galing daw sa outing ang mga pamilya nang mangyari ang aksidente.
Bumangga raw sa concrete barrier ang jeep bago ito nahulog sa bangin at bumaliktad.
Nagpapagaling na sa iba't ibang ospital ang mga nasugatan, kasama na ang driver.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. —KG, GMA News