Hirap man magsalita dahil sa pagkakaputol sa kalahati ng kaniyang dila, nagawa pa rin ng taxi driver sa Naga, Cebu na ikuwento ang nangyaring kalupitan sa kaniya ng dalawang holdaper.

Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, sinabi ng biktimang si Andres Alfanta, na madalas siyang makipagkuwentuhan sa kaniyang pasahero at kumakanta habang pumapasada.

Pero hindi na niya magagawa ang mga ito dahil sa ginawang pagputol sa halos kalahati ng kaniyang dila kaya hirap na siya ngayong magsalita.

“Pinapili nila ako. Babarilin ba ako o puputulan ng dila. Pinili ko na lang ipaputol ‘yung dila ko kasi baka mamatay ako. Maliit pa ang mga anak ko tapos kapapanganak lang ng asawa ko,” saad niya.

“Sinakal ako para lumabas ang dila ko. Nung lumabas na ang dila ko, bigla nilang hiniwa. Nang tumalsik na ang dugo, bumaba na sila at umalis,” patuloy niya.

Sa bahay, kinabahan na raw ang asawa ni Andres na si Maria na may masamang nangyari sa kaniyang mister.

“Hindi ko maintindihan ‘yung kaba sa dibdib ko. Sabi ko, tawagan ko kaya ‘to? Ayun pala talaga tama pala ang kutob ko na hinoldap pala,” pahayag ng ginang.

Habang patuloy na nagpapagaling sa sugat sa dila, hirap pang kumain si Andres. Inilalagay ni Maria sa blender ang kanin, ulam at prutas na sisipsipin naman ng kaniyang mister.

Ayon kay Andres, may tattoo sa braso na tinakpan ng manggas ang palatandaan niya sa isang humoldap sa kaniya.

Nang malaman nina Andres na may suspek na naaresto ang Talisay City police, kaagad silang nagtungo sa himpilan ng pulisya para kilalanin ito.

Kinumpirma ni Andres na ang suspek na naaresto ang sinasabi niyang may tattoo sa braso. Pero itinanggi niya ang paratang laban sa kaniya.

“Kung puwede lang tumestigo ‘yung Diyos sir. Ang nagawa ko dati nakabaril ako. Inamin ko na ‘yon pero iyan sir hindi ko talaga maamin ‘yan,” anang suspek. “Kung tattoo lang ang basehan sir, ngayon sa komunidad natin, normal na po ‘yung tattoo.”

Ayon sa pulisya, ang suspek na naaresto ay may existing warrant sa kasong robbery sa Carcar City. Kasama rin siya sa Top 8 Most Wanted sa provincial level at Top 4 sa Tagbilaran City.

May warrant din siya sa Bohol sa kasong pagpatay.

Habang hinahanap ang isa pang salarin, sasailalim naman si Andres sa speech therapy.

Nais pa rin ni Andres na magtrabaho para sa kaniyang mga anak. Nagbigay naman ng tulong ang lokal na pamahalaan kay Andres, at tutulungan din na maghanap ng trabaho.--FRJ, GMA News