Dahil nakonsensiya, nagpatulong ang isang ina sa mga awtoridad sa Imus, Cavite para mabawi ang kaniyang anak na mahigit isang-taong-gulang na kaniyang "ipinaampon" sa halagang P2,500.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing 21-anyos lang ang ina na problemado umano sa pera at iniwan ng asawa kaya napilitang ipaampon ang anak.
“Ang sinasabi niya po is nakonsensiya siya dun sa ginawa niya. Dahil lang po sa problema niya kaya napilitan po siya na gumawa ng ganitong hakbang,” sabi ni Imus police chief of investigation Police Lt. Reynald Afable.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa tulong ng social media na si Jane Mapa. Pero hindi raw nakipagtulungan sa mga awtoridad ang suspek para maisauli ang bata.
Kaya nagpanggap ang mga awtoridad sa social media bilang ina ng bata kaya lumantad ang suspek at doon na nasagip ang bata.
Nahaharap si Mapa sa reklamong paglabag sa Child Abuse Law at Anti-Trafficking in Persons Act.
Pero giit ni Mapa, malinis ang kaniyang konsensya at wala siyang balak na ibenta sa iba ang bata.
Nais lang daw niyang magkaroon ng makakasama sa buhay.
“Ang aking pinagsisihan dahil hindi po ako dumaan sa tamang proseso sa DSWD kasi po sa mga naririnig ko po, ito daw po ay napakatagal ng proseso. Baka po abutin pa ng 10 years,” paliwanag niya.
Isinasailalim naman sa pagsusuri ang mental health ng ina ng bata. Posible rin siyang makasuhan dahil sa kaniyang ginawa.--FRJ, GMA News