TAGKAWAYAN, Quezon - Dalawang SUV, isang AUV at isang 10-wheeler delivery van ang inararo ng isang oil tanker truck sa Quirino Highway, Barangay Sta. Cecilia, Tagkawayan, Quezon dakong 10:50 ng gabi nitong Lunes.
Galing Maynila at patungo sana sa Pili, Camarines Sur ang oil tanker truck nang mawalan ito ng preno sa pababang bahagi ng highway.
Ayon sa driver ng oil tanker truck, hindi na niya nakontrol ang manibela, dahilan para salubungin nito ang mga paparating na sasakyan.
Unang nabangga ng oil tanker truck ang sinusundan nitong 10-wheeler delivery van hanggang sa masalpok na rin ang iba pang sasakyan.
Sa tindi ng pagsalpok ay wasak na wasak ang unahan ng oil tanker truck, at nagmistula itong niyuping lata.
Sugatan ang pahinante nito habang nagtamo naman ng minor injury ang isa pa nilang kasama.
Putok ang dalawang gulong sa kaliwang bahagi ng SUV na nasalpok. Sira rin ang ilang bahagi nito.
Ang AUV naman na nahagip din ay nabasag ang ilang parte ng bintana habang nahulog naman sa kanal ang isa pang SUV.
Mabilis na na-rescue ng personnel ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection, at Kabalikat Civicom ang mga nasugatan sa aksidente.
Nagdulot ng pagsisikip sa daloy ng trapiko ang aksidente. Nagkalat sa highway ang mga piraso ng parte ng mga sasakyang nasangkot.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng Tagkawayan Municipal Police Station. —KG, GMA News