Nauwi sa trahediya ang paliligo sa ilog ng magkakamag-anak sa Bago City, Negros Occidental, nang malunod ang tatlo sa kanila. Ang isa sa mga biktima, magbabakasyon lang sana.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kabilang sa nasawi ang 16-anyos na anak ni Rodelia Activa, na taga-Janiuay, Iloilo.

Napag-alaman na magbabakasyon sana sa Escalante sa Negros sina Activa, pero dumaan muna sila sa Bago City para dumalo sa selebrasyon ng kaarawan ng isa nilang kamag-anak.

Habang nasa Bago City, nagkayayaan ang magkakamag-anak na maligo sa Bago river sa Barangay Napoles.

Napunta umano sa malalim na bahagi ng ilog ang anak ni Activa at isa pa nitong pinsan na 11-taong-gulang, at humingi ng saklolo.

Kaagad naman tumugon ang 33-anyos na tiyahin ng mga bata na si Riza Macatigos, pero siya man ay nalunod na rin.

Hindi na umabot ng buhay ang tatlo nang isugod sa ospital.

Naligo rin sa ilog ang anak ni Macatigos at nakaligtas sa trahediya dahil marunong siyang lumangoy .

Nais ni Activa na maiuwi sa kanilang bahay ang lagi ng kaniyang anak. --FRJ, GMA News