Patay ang isang rider nang magulungan siya ng isang pampasaherong bus sa Rosario, Batangas. Bago ang malagim na insidente, tumilapon muna mula sa sinasakyan niyang motorsiklo ang biktima nang mabangga ng isang closed van.
Sa ulat ni Ace Medrano sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si JM Remandiman, 19-anyos, residente ng Barangay Timbugan ng nasabing bayan.
Sugatan naman at nagtamo ng bali sa tuhod ang angkas ni Remandiman na si Rey Isla, 22-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nangyari ang insidente kaninang umaga sa national road sa bahagi ng Barangay San Roque.
Bigla umanong lumiko para pumasok sa isang kanto ang van na minamaneho ni Kelly Casanas, 23-anyos.
Dito na nabangga ni Casanas ang motorsiklong minamaneho ni Remandiman.
Tumilapon ang rider sa kabilang bahagi ng kalsada at saktong dumaan ang bus na minamaneho ni Michael Cadigdig, 42-anyos, at nagulungan niya ang biktima na agad na namatay.
Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na pareho umanong walang lisensiya ang nasawing biktima at ang driver ng van.
Nakipag-ugnayan ang driver ng bus at van sa kamag-anak ng biktima.
Ayon sa pulisya, nag-alok ang may-ari ng kompanya ng bus na tutulong sa pagpapalibing sa biktima, at pagpapagamot sa angkas na nasugatan.
Hihintayin umano ng mga awtoridad ang desisyon ng kaanak ng biktima kung sasampahan ng kaso ang driver ng van at bus, na parehong nasa kostudiya ng pulisya. --FRJ, GMA News