Nagtamo ng mga sugat sa iba't ibang parte ng katawan at mukha ang isang babae matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang kapitbahay sa Bulacan. Pagnanakaw umano ang motibo ng suspek na sinasabing bisyo ang tumalpak sa e-sabong.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Aileen Fernando, residente ng Hagonoy, Bulacan.
Ayon kay Fernando, Linggo ng gabi nang pasukin umano siya sa bahay ng suspek na armado ng patalim.
“Pagdiretso ko ng CR, bumukas yung pinto… Pag ganoon ko, may lalaki na sa harap ko. Eh di siyempre, nagulat ako. Bigla akong nilapitan. Ginanoon niya ko sa leeg. Pinagsusuntok niya ko madami sa mukha. Kaya yung mukha ko namaga, nagdugo bunganga ko,” kuwento ng biktima.
“Hinahawi ko yung kutsilyo baka matamaan ako dito sa leeg. Kaya dito niya ko natamaan sa tenga. Sa pisngi, may hiwa ako dito sa pisngi,” patuloy niya.
Nakilala umano ni Fernando ang suspek na kapitbahay niya.
“Ang sabi ko lang sa kaniya bakit? Dahil sasaksakin niya ako eh.. bakit? Pagbayaran niya yun kasi di niya inisip mga anak ko. Tsaka babae ako eh. Dapat di niya ko sinaktan,” hinanakit ng biktima.
“Kung magnanakaw man siya. Kinausap na lang [niya sana] ako, na pinasukan niya bahay ko. Mapapatawad ko pa siya. Pero yung ganoon na kulang na lang mamatay ako... eh kung hindi ako nanlaban? Wala na ako,” patuloy niya.
Matapos ang insidente, dinala sa ospital ang biktima at naaresto naman ang suspek.
Ayon sa pulisya, inamin ng suspek ang ginawang krimen at ang pagiging lulong niya sa e-sabong.
“Napasubo siya diumano sa kaniyang bisyo. Kailangan niya ng pera para matustusan ang kaniyang bisyo,” ayon kay Police Major Neil Cruzado, OIC ng Hagonoy police.
Mahaharap ang suspek sa reklamong attempted robbery at frustrated homicide. --FRJ, GMA News