Dead on the spot ang isang motorcycle rider habang sugatan naman ang apat na katao matapos mabangga ng isang container truck ang kanilang mga sasakyan sa Antipolo City nitong Lunes ng gabi.

Nakilala ang nasawing biktima na si Romy Peñaflor, 60-anyos, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

 

 

Sugatan naman ang dalawang pahinante at driver ng truck, habang nagtamo naman ng minor injuries ang may-ari ng isang nakaparadang kotse.

Nangyari ang aksidente sa palikong bahagi ng Sumulong Highway. Madalas daw mangyari ang mga aksidente sa nasabing lugar.

Ayon sa first responders, posibleng nawalan ng balanse ang truck dahil sa bigat ng semento na dala nito.

Ayon naman sa pulisya, nawalan ng preno ang truck kaya't niragasa nito ang motorsiklo at isang nakaparadang sasakyan.

Nahagip din ang dalawang poste ng kuryente at ilang bollard ng isang gusali. Nawalan ng supply ng kuryente sa lugar.

Ayon sa kapatid ng nasawing biktima na si Ernesto Cuare, pauwi na ang motorcycle rider na si Peñaflor nang mangyari ang aksidente.

Humingi naman ng pasensiya ang driver ng container truck na si Benjamin Flor at sinabing hindi niya gusto ang nangyari.

Maaaring maharap sa mga kaso ang driver ng truck. Mag-uusap nitong Martes ng umaga ang may-ari ng kompanya at ang pamilya ng nasawing biktima.

Samantala, naibalik na ang supply ng kuryente dakong maghahatinggabi sa lugar matapos ayusin ng Manila Electric Company (Meralco) ang mga poste at kableng nahagip ng truck.

Inabot naman ng umaga ang clearing operation para maialis ang truck sa daan. Nitong alas-sais ng umaga ng Martes ay sinusubukan pang mai-tow ang truck.

Nagdulot naman ng mabigat na trapiko ang aksidente. —KG, GMA News