Nailibing na ang 13-anyos na binatilyong nasawi matapos maubusan ng dugo makaraang magpatuli sa Quezon. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin daw nakikipag-ugnayan sa pamilya ang mga nasa likod ng naturang libreng tuli.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, nagpahayag ng pagdududa ang lolo ng biktimang si Angelo Tolentino, kung duktor ba talaga ang nagtuli sa kaniyang apo.
“Nasa tulian pa lang at nagdudugo na siyempre kung doktor talaga 'yon [nagtuli], magdidisisyon 'yon na dalhin na sa ospital yung tinulian na madugo. Eh ako’y nagdu-duda don sa nagtuli baka hindi nga talaga doktor. Sinasabi lang na doktor yun eh,” ayon kay lolo Marcelo Alvarez.
Nakikipag-ugnayan na umano ang pulisya sa Public Attorney's Office (PAO) para sa posibleng pagsasampa ng kaso sa mga responsable sa pagkamatay ng biktima.
Nitong Linggo, inilibing na ang binatilyo pero hindi pa rin umano nakikipag-ugnayan sa pamilya ng biktima ang mga nag-organisa ng medical mission para sa naturang libreng tuli.
Lumapit ang pamilya ni Tolentino sa Volunteers Against Crime and Corruption at sa PAO upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng binatilyo.
"May kaunting problema sa mga medical mission na ganun dahil hindi na nagkakaroon ng screening," sabi ni Dr. Erwn Erfe, PAO chief of forensics.
Kinuwestiyon din ni PAO chief Persida Acosta ang kawalan ng gamot at first aid measures para pigilin ang pagdurugo ng biktima.
“Wala man lang silang baon na Tranexamic o Hemostan? At i-monitor, at obserbahan ng kahit ilang minuto man lang 10 hanggang 15 minuto itong batang ito kung maampat ang dugo? Wala man lang monitoring?” puna ni Acosta.
Batay sa death certificate ng binatilyo, namatay ang bata dahil sa pagdurugo matapos magpatuli sa medical mission na inorganisa umano ng fraternity group na Scout Royal Brotherhood (SRB) sa Zaballero, Lucena City.
Dinala ang bata sa ospital nang hindi tumigil ang pagdurugo noong Marso 21, at pumanaw kinabukasan.
Ilang kinatawan umano ng SRB ang nagtungo sa pulisya para sa isinasagawang imbestigasyon. Nakipag-ugnayan din umano ang mga ito sa PAO pero tumanggi na ibigay ang pangalan ng nagtuli sa biktima.
Sinubukan ng GMA News na makuha ang kanilang panig pero tumanggi rin sila.
“Yun pong grupo ng SRB ay nakipag-ugnayan na po. Ayon sa kanila, ang usapin po ay kanila nang isinangguni sa kanilang legal adviser,” ayon kay PSMS Wilbar Apoli, Lucena Police.
Tiniyak din ng pulisya sa pamilya ng biktima na patuloy nilang sisiyasatin ang kaso at makikipag-ugnayan sa PAO para matukoy kung sino ang dapat managot sa nangyari sa binatilyo.—FRJ, GMA News